Mahal naming mga taga-media:
Malapit na naman po ang eleksyon at marami na namang mga artista at politiko ang nagpapahiwatig ng kanilang pagkandidato. Karamihan sa kanila ay hindi qualified sa posisyong tinatakbuhan pero umaasa lamang sa kanilang popularidad, sa pera o kaya ay sa impluwensya na pwede nilang gamitin.
Sa araw-araw halos na ginawa ng Diyos ay may kandidatong umiinsulto sa ating bayan. Mayroon dyang mga artista gaya ni Richard Gomez na kumakandidato sa pagka-Senador base sa kanyang popularidad at kakayahang manalo kahit wala naman siyang naipakitang kaalaman kundi magpapogi at magdrama sa kamera. Mayroong mga politiko na matapos ang termino ay pinatatakbo ang asawa o kaya’y anak, gaya ni Lito Atienza na Mayor ng Maynila, dahil lamang sa impluwensyang kayang gamitin. Ayaw nilang iwanan ang poder at ibigay sa iba, kaya’t ipinipilit ang kamag-anak. Kaya nga’t hula ng karamihan na muling tatakbo si Lito Atienza sa pagka-Mayor pagkatapos ng isang termino ng kanyang anak.
Kahit si Manny Pacquiao ay gustong mag-mayor o mag-congressman dahil alam nyang mananalo sya kahit wala siyang muwang sa trabahong iyon. Hula din ng lahat na di niya bibitawan ang pag-boboksing kahit maging opisyal ng kawawang bayan. Sino kaya ang hahalili sa kanya habang siya ay nasa boxing ring pag nagkataon. Ano kaya ang sasabihin sa atin ng buong mundo?
Hindi mabilang ang mga pang-iinsultong ito. Ang asawa daw ni De Venecia ay papasok sa Senado. Pati na ang anak ni Pimentel. Kahit si Cayetano ay balak pumangalawa sa kanyang kapatid. Lahat sila gusto raw kasi tumulong sa bayan, at kwalipikado daw. Pero ang totoo, kaya kasi nilang manalo at yun lang. Hindi na talaga nahihiya.
E bakit nga naman hindi nila papasukin ang mababang uring politikang ito kung alam na alam nila ang mga aral ng nakalipas - na sigurado sila sa kalalabasan ng eleksyon?
Sa Senado’y matagal nang nananatili ang mga Revilla - na mula noon hanggang ngayon ay walang nagagawa para sa bayan. Si Bong Revilla ay patuloy na lumalabas sa TV kahit ang bayan ay naghihirap. Tapos na kaya ang gawain nya sa Senado kaya’t pwede na siyang mag-sideline? Sa tulong ng media, dalawang kapamilya naman ni Erap, si Jinggoy at Loi ay parehong nakapasok sa Senado, kahit puro kahihiyan ang dinulot ng kanilang ama o asawa sa bayan. Ngayon, kahit si JV ay gustong pumasok na rin sa Senado!
Samantala, si Lito Lapid ay tatakbo daw sa Makati laban kay Binay na walang balak umalis doon. Walang mawawala kay Lapid, dahil matalo man siya ay balik Senado pa rin. Si Binay naman ay kapit-tuko sa upuan. Siya lang at ang kanyang asawa marahil ang qualified sa Makati? Si Mark Jimenez naman ay namimigay na ng pera, ngayon pa man, na galing daw sa langit. Ayon kay Madam Auring, malamang maging pangulo pa nga si Jimenez sa hinaharap.
Pero hindi mangyayari ang lahat ng ito kung ginagawa nyo lang kayong nasa media ang inyong gampanin. Kung tinatanong ninyo lang sila ng mahigpit kung ano ang plataporma nila sa pagtakbo, sana’y hindi sila pumasa sa taong bayan. Kung hindi nyo binigyan ng propaganda airtime at maling respeto ang mga mapang-insultong mga politikong ito, sanay nakita ng lahat ang katotohanan. Kahit itanong o imbestigahan nyo man lang sana kung ilang ang kanilang mga anak at asawa, sanay natambad and kanilang kawalang-hiyaan.
Hindi sana mananalo si Erap, at hindi nagkagulo-gulo ang ating bayan kung inimbistigahan ng media si Erap nung ito’y kandidato pa lamang. Hanggang ngayon, biruin nyo ba namang hindi alam ng mga taong bayan kung ilan talaga ang kanyang mga anak? Hanggang ngayon ay akala pa rin ng marami na si Erap ay galing sa hirap. Kahit si FPJ, na muntik nanalo o nanalo na nga yata sa pagka-Pangulo ay ni hindi man lang namin nalaman kung ilang ang inanakan!
Babagsak din po ang mga businesses sa Pilipinas kung pabagsak ng pabagsak ang ekonomiya nito. Darating din po ang panahon na pati ang mga korporasyong may hawak sa inyong taga-media at ang inyong mga advertisers ay mahihirapan dahil sa hirap ng bayan. Hihintayin nyo pa po ba na mawalan kayo ng advertisers bago ninyo gagawin ang inyong dapat na gawin? At mas malala pa doon, hihintayin pa po ba ninyo na pumutok ang madugong rebolusyon ng mga nahihirapan?
Sa inyo lang po umaasa ang bayan. Nasa inyo po ang susi sa ating kinabukasan. Sana po ay gawin ninyo ang mga nararapat gawin:
- Halukayin po ninyo sana ang mga pamilya at nakaraan ng mga kandidato at i-report po ninyo sa bayan
- Itanong po sana ninyo ng mahigpit at salain ang mga plataporma ng bawat tatakbo
- Hwag po ninyong hayaang silang mag-propaganda lamang sa mga interview kundi ay itutok ng husto ang mga tanong sa kanila
- Mag-organize po kayo ng mga debate kung saan pagsasalitain ang mga kandidato laban sa isa’t isa. Huwag po ninyong pahintulutang umiwas ang iba.
- Bigyan po sana ninyo ng kapares na panahon yung mga kandidatong karapat-dapat pero walang perang pambayad sa advertisement at kampanya
- Itanong po sana ninyo kung saan nakatindig ang bawat politiko sa bawat issue
Iisa po ang bangka nating lahat. Bagama’t ang mga taong nasa ilalim ang unang malulunod sa patuloy na paglubog ng bangkang ito, darating din po ang panahon na kayo ay maabot ng tubig. Hinhintayin nyo pa po ba na dumating ang panahon na iyon? Kayo po ang may kakayahang ayusin ang eleksyon sa ating bansa. Dahil sa kayo ang may kakayahan, ito rin po ay naging inyong responsibilidad na hindi ninyo maaaring talikuran.
Sana po ay makaasa kami sa inyong tamang pagtugon sa kahilingang ito. Maraming salamat po.
Umaasa,
Ang Sambayanang Pilipino